(Written in Tagalog)
Matagal ng naging kaugalian na ikonekta ang rehiliyon at moralidad. Ito ay nababatay sa paniniwala na ang kagandahang asal ay nakukuha lamang sa turo ng rehiliyon sa pamamagitan ng mga batas na sinasabing inutos ng isang diyos. Kaya hindi na rin nakakapag-taka na makakabasa ka ng mga ganitong uri ng artikulo sa Internet.
Ayon sa isang tao nagtatago sa pangalang “samuelcamus”, “Isa sa pinakamahalgang papel na ginagampanan ng pananampalataya’t relihiyon ay ang pagtitimbang at pagsasaayos sa moral ng tao. Kung wala ito, ang tao ay parang hayop na walang pagiingat at pagpapanatili tungkol sa kung ano ang mabuti at masama.”
Tama ba ito?
Teka muna…hindi ba’t mas maraming digmaan ang nagawa ng relihiyon? Mukhang hindi ata tinalakay ito ni Ginoong “samuelcamus” sa kanyang artikulo laban sa ateismo. Kung tutuusin, mas maraming tao ang naging asal hayop sa pamamagitan ng relihiyon. Sabihin na lang natin na ang isa sa dahilan eh mas madaling pumatay ng kapwa mo tao kung sa tingin mo ay ang iyonng ginagawa eh utos ng isang diyos. Hindi ka makokonsensya. Tulad na lang ng mga nagyayaring terorismo. Ang mga suicide bombers na mga ito ay naniniwala na ang kanilang ginagawa ay utos ng Diyos.
Tignan mo na lang ang pahina ng banal na Bibliya ng mga Kristyiano. Diba’t mas maraming nakasulat doon na pag-patay…kahit sa mga bata at matatanda na ipinag-utos ni Yahweh? Kung tutuusin, mas umaasal hayop ang mga tao kung inaakala nila na ang ginagawa nilang karumaldumal eh utos ng Diyos nila…ang pag-gahasa, pag-nakaw, pagkitil ng buhay ng mga bata at mga alagaing hayop ay baliwala kung nakapasok sa kanilang isipan na ginagawa lang nila ang pinag-uutos ng kanilang Ama sa langit.
Kaya’t mukhang hindi totoo na relihiyon ang nag-sasaayos ng moral ng tao. Marami pa tayong pwedeng gawing halimbawa. Ayon sa mga mananampalataya, bawal ang pumatay at mag-nakaw, tama ba? At ang mga aral sa ito ay matatagpuan lamang sa kanilang mga banal na aklat. Ngunit may mga nakasulat din dito na sumasalungat sa kagandahang asal. Bagay na kagaya ng panloloko, pag-nanakaw, ang maliit na pagtingin sa kababaihan, ang pagkitil ng buhay ng hindi mo ka-tribo at pagsisinungaling para matakpan ang kahayupan ng iyong kapanalig. Ang “double standard” na pag-tingin sa mga isyung ito ang nagiging gabay ng mga mananampalataya upang sabihin na puno ng magagandang moralidad ang kanilang relihiyon. Basahin mo ang mga sinasabing mga banal na mga aklat at ikaw na mismo ang magsasabi na tama ako.
Kunin natin itong halimbawa.
Ngayon nga ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalake at patayin ninyo ang bawa't babae na nasipingan ng lalake. (Numbers 31:17)
Mababasa sa banal na aklat ng mga Kristiano, iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moses ang isang malawakang pag-patay ng kanyang mga kalaban at pati ang mga kababaihan at mga batang lalaki ay hindi patatakasin.
Ngayon sabihin na natin na ikaw ay isa sa mga sundalo ng Israelita na napag-utusan ng patayin lahat ng mga tao na kalaban ng diyos at kahit mga bata ay hindi mo patatakasin. Kung naawa ka sa bata at hindi mo napatay, masasabi bang nag-kasala ka? Ang hindi ba pagpatay sa isang inosenteng bata ay masasabi mong gawaing imoralidad dahil hindi ka sumunod sa utos ng Diyos? Kung ganoon pala, masasabi nating ang moralidad pala ay nakahiwalay sa utos ng relihiyon.
Sumunod, sinabi ni Ginoong “samuelcamus” na, “Ang panganib ng Atheism ay ang maaaring pagbagsak ng moral ng tao at maibaba ang antas nito bilang isang supremo sa lahat ng mga nilalang dito sa mundo at dahil sa taglay na katalinuhan ay mas bumaba pa at suamahol pa sa hayop!”
Ating suriin ang pagbibintang na ito.
Ayon dito, ang mga ateista daw ay nagkakaroon ng tinatawag na “superiority complex” sa lahat ng mga nilalang sa mundo. Mukhang nakakalimot si Ginoong “Samuelcamus” na mas may ibedensya na ang isang mananampalataya ang mag ganitong kakitid na isipan. Basahin ulit natin ang banay na aklat ng mga Kristiano. Makikita sa Genesis 1:26, “At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa.”
Tapos ibibintang nya sa mga ateista ang ganitong uring kaisipan?
At tignan mo ngayon ang nagagawa ng panjiniwalang batay sa Banal na Aklat na ito sa ating mundo. Maraming Kristiyano ang walang ginawang maganda sa ating mundo sa paniniwalang lalayasan din naman nila ito baling araw. Ang pag-iisip ng tayo ay may kapangyarihan sa lahat ng nilalang ay nag-bibigay ng ugaling pabaya…tutal tayo naman ang binigyan ng Diyos ng kapangyarihan sa lahat ng nilalang diba?
Mali!
Ngayon, inaani natin ang kagaguhang paniniwalang ito. Marami ng hayop ang nawala dihil sa ating kaswapangan. Pero ngayon tayo ay binabaha, at kinikitil ng mga sakit na naglalabasan dahil sa walang pakundangan na paninira sa eco-system ng ating mundo.
Kung tutuusin, mas naniniwala ang mga ateista na ang tao ay walang kapangyarihan na mas mataas kaysa sa mga hayop at halaman. Lahat tayo ay may ginagampanan na papel sa mundong ito - Ito ay ang sensitibong “web of life” na lahat tayo ay naka-konektado. Kung mawala ang tao sa mundong ito, hindi ito ikakatapos ng buhay. May papel nga tayo, totoo…pero lahat tayo eh expendable. Walang mas nakakalamang.
At papaano naman mapapabagsak ng atheism ang moralidad? Walang binangit na rason dito si “samuelcamus.” Naubusan na ba? Kung hindi ba ako naniniwala sa diyos o ako’y hindi myembro ng isang relihiyon, wala na ba akong pag-kukunan ng moralidad? Papaano na ang mga pang etikong pilosopiya? Wala na bang silbi ang mga ito? Kagaya ng mga sulat nila Epicurus at mga iba pang pinag-kukunan ng secular ethics? Suguro eh kailangan maipaliwanag mabuti ito ni ginoong “samuelcamus” para naman maging kapani-paniwala ang artikulo nya.
Sabi ng kanyang artikulo, “Kung ang tao ay tumalikod sa pananampalatayang may Diyos, ang unang-unang mawawala dito ay ang kanyang moral. O ang moral at imoral ay mawawalan ng kabuluhan sa kanya. Sapagka’t sa pananaw ng atheism, ang kabutihan at ang kasamaan ay bunga lamang ng relihiyon na likha lamang ng tao (Na sa katotohanan, ng dahil sa paglitaw ng masama at mabuti kaya kinailangn ng pananampalataya sa Diyos)…”
Teka…ng ako’y nawalan ng paniniwala sa isang diyos, hindi naman ako naging rapist o mamamatay tao. Alam ko pa rin naman ang tama at mali. Kung tutuusin, isa sa mga naging dahilan ko sa kawalan ng paniniwala ay ang moralidad. Alam ko na mali ang pagiging mapanibugho. Ito ay isang ugaling nagpapakita ng kababawan ng pag-iisip at pag walang tiwala sa sarili, ngunit mababasa sa Exodus 20 na "… sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin.” Alam ko na masama ang pag-nanakaw ngunit mababasa din dito na iniutos ng Dios na nakawan ng mga Istraelitas ang mga kalaban nila.
Mas nagkaroon ng saysay ang moralidad para sa akin mula ng nawalan na ako ng paniniwala sa Dios…noong una kasi naniniwala ako na mali ang isang bagay kung maykapalit na gantimpala o parusa: ang isang bagay ay masasabing moral kung ito’y ikalulugod ng Dios at immoral naman ito kung ang gagawin mo eh laban sa kanyang utos. At ang utos na ito ay yung Sapung utos ng Diyos, tama ba?
Ito ang madalas na ginagawang katibayan ng mga mananampalataya na suporta sa kanilang argumento na ang moralidad ay galling sa relihiyon. Tignan natin…halimbawa, Igalang ang iyong ama at ina. Tama po i to…pero…kulang yan. Kung babasahin natin ang pagkakasulat, ganito po yan: Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios.
Igagalang ko ba ang mga magulang ko dahil sa mahal ko sila o dahil para humaba po ang aking buhay sa mundo?
Bakit ba ang moralidad na ibinibigay ng relihiyon eh lagging may naka-akibat na gantimpala? Ginagawa lang ba nating maging mabuti dahil mabuti ito o dahil sa mga gantimpala? Ito ba ang sinasabing moralidad ni Ginoong “samuelcamus?”
Kung ang gabay sa moralidad ay gantimpala, para na lang pala tayong mga aso ni Maslow. Isipin mo kaibigan…gumagawa ka ng mabuti kasi naniniwala kang pupunta kang langit. Ito ay isang baluktot na dahilan. Niloloko lang pala tayo…para tayong mga laboratory animals nyan. Tapos sasabihin mo, kaming mga ateista ang asal hayop. Mang “samuelcamus” ako’y isang ateista at gumagawa ako ng mabuti dahil gusto ko. Dahil naniniwala akong nakakapasaya ako ng tao pag gumagawa ako ng mabuti. Wala itong halong ka-ipokrituhan. Hindi ako gumagawa ng mabuti for the show…para may matuwa sa langit at bigyan ako ng buhay na walang hanggan. Hindi yan kabutihan…ang isang gawaing ginagawa dahil sa taglay na gantipala ay makasarili…madamot yan…at wag ka namang magagalit...hayop lang sa laboratoryo ang gumagawa ng isang gawain na naghahanap ng kapalit.
At sa pagtatapos ng artikulo nya, sinabi ni “samuelcamus” na, “Ang panganib ng Atheism ay syang maaaring maging susi ng magulong argumento tungkol sa kasamaan (problem of evil) na nasa ilalim ng pilosopiya ng taong kumukwestyon sa katotohanan ng pagkakaroon ng Diyos na may katalinuhang hindi tinaglay ng tao. Kaya’t sa panganib ng atheism, sinagot ng katalinuhan ng Diyos ang problema sa pilosopiya ng sa paningin Niya’y kamangmangan ng tao. Na kahit kailan ma’y hindi makakaarok ng kahiwagaan ng Diyos.”
Kaya ang solusyon mo sa Argumento ng Kasamaan” eh hiwaga…ganoon ba? Na ang talino ng Diyos eh hindi saklaw ng tao? Kung gayon…bakit ka naniniwala na may diyos? Kung hindi pala sakop ng utak mo ang bagay na pinag-sasasabi mo @ “samuelcamus” eh bikit kita dapat paniwalaan? Eh misteryo pala yan…paano mo nalaman na yan ang may hawak ng moralidad?
Kung sa bagay, ito na rin naman ang takbuhan ng mga mananaplalataya. Ang kanilang kabalukturan at pagiging mapariwala ay itinatago nila sa kanilang inimbentong hiwaga. Ang hiwaga ng katalinuhan ng diyos ay isang paraan para hindi ma-kwestyon ang maling paniniwala. Misteryo ang tawag nila dito…ngunit sa totoo ito ay isang delusion. Sila ay naiipit sa sarili nilang mga haka-haka at para maitago ito, sinasabi nilang mas matalino ang diyos sa tao. Pero sino nga ba ang higit na matalino? Ang diyos na nakagawa ng dalawang tao o ang tao na nakagawa ng milyon-milyon na mga diyos?
At dito nagtatapos ang artikulo ni “samuelcamus.” Isang artikulo na sya na mismo ang gumiba sa pamamagitan ng hiwaga.
Hanggang sa susunod,
Pinoy Atheist
=================================================
If you have some questions or comments on the article, send the author an e-mail at pinoy_atheist@yahoo.com. Thank you.